Ang mga salita ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang pinili at minamahal na esposa sa pinakadakilang paghahayag ng kanyang pagiging tao, pag kondena sa kasuklam suklam na paglabag at pagwawalang bahala sa ating pananampalataya at pagbibinyag, at ang paghikayat sa kanyang minamahal na esposa an mahalin siya.
Aklat 1 - Kabanata 1

Ako ang lumikha ng langit at lupa, iisa sa pagka Diyos sa Ama at sa Banal na Espiritu. Ako ito na siyang nagusap noon sa mga propeta at sa mga Patriyarka, Ako ito na siyang hinintay nila. Sa kapakanan ng kanilang paghihintay at naaayon na rin sa aking pangako, ay naging tao ako nang walang pagkakasala, at walang pagnanasang makalaman, sa pagpasok sa katawan ng isang birhen tulad ng liwanag ng araw na sumisinag sa isang malinaw na kristal, kung paanong hindi nasisira ng araw ang salamin sa pagpasok ng kanyang liwanag dito, gayundin ay hindi nawala ang pagkabirhen ng isang dalaga nang ako ay magkatawang tao. Ako ay nagkatawang tao ng hindi nawawala ang aking pagka Diyos.

Hindi nababawasan ang aking pagka Diyos, patuloy na pinamamahalaan at pinupuno ang lahat ng bagay kasama ang Ama at Espiritu Santo, kahit na sa aking pagiging tao ay napasa sinapupunan ako ng birhen. Ang liwanag ay di humihiwalay sa apoy tulad ng aking pagka Diyos na di humihiwalay sa aking pagkatao, hindi nga kahit na sa kamatayan. Sumunod doon ay hinayaan kong ang aking pinaka malinis at walang kasalanang katawan ay masugatan mula sa pinakailalim ng aking talampakan hangang sa korona ng aking ulo para sa kasalanan ng lahat ng tao, at hinayaan ang aking sarili na mapako sa krus. Ito ngayon ang araw-araw na iniaalay sa altar upang lalo akong ibigin ng mga tao at maala ala nila ng madalas ang aking ginawa para sa kanila.

Datapwat, ngayon, ako ay lubos na kinalimutan, winalang bahala at kinamuhian, tulad ng isang hari na itinakwil sa kanyang sariling kaharian at iniluklok dito ang isang masamang magnanakaw at siyang pinarangalan. Ninanais ko na ang aking kaharian ay mapasaloob ng tao, at kung tutuusin ako ang dapat na hari at panginoon sa kanya, sapagkat ako ang lumikha at tumubos sa kanya. Ngunit, ngayon, binasag at nilapastangan niya ang pananampalatayang ipinangako niya sa binyag. Nilabag at isinuka niya ang mga batas na aking iniayos para sa kanya. Iniibig niya ang kanyang sariling kalooban at may pagkamuhi na tumangging makinig sa akin. Sa isang banda, itinaas niya ang pinaka masamang magnanakaw, ang diyablo, higit sa akin at inilagak sa kaniya ang kanyang pananampalataya. Ang diyablo ay tunay na magnanakaw, sapagkat sa panunukso at sa mga maling pangako ay ninanakaw niya para sa kanyang sarili ang mga kaluluwa na tinubos ko ng aking sariling dugo. Hindi ito dahil mas malakas siya, at kaya niyang nakawin iyon, sapagkat ako ay napakalakas, na kaya kong gawin ang lahat ng bagay sa isang salita lamang, ay gayundin ako na napaka makatarungan na hindi ko ginagawa ang kaliit liitang bagay na di makatarungan, hindi nga kahit na hiniling na ito sa akin ng lahat ng mga banal.

Paano man, dahil sa ang tao, na binigyan ng kalayaang mamili, ay kusang itinakwil ang aking mga kautusan at inilagak ang kanyang pagsang-ayon sa diyablo, sa gayon, makatarungan lamang na maranasan din niya ang kalupitan ng diyablo. Ang diyablo ay ginawa kong napakaganda ngunit pumangit dahil na rin sa kanyang masamang kalooban. At, kung saan, ay naging lingkod ko sa pagpaparusa sa masasama. Kahit na ako ay lubhang nalimot ngayon, ay hindi magkukulang na ako ay magiging maawain pa rin at patatawarin ko ang mga kasalanan ng sino mang humingi sa aking awa at ang magpakababa, at palalayain ko sila mula sa masamang magnanakaw. Ngunit daratnan ng aking hustisiya yaong mga nagpapanatili sa aking pagkamuhi, at sa pagkakarinig dito ay manginginig sila at yaong mga makakaranas nito ay mag sasabing: ‘isang kasawian na kami ay ipinanganak pa, Isang kasawian na naitulak namin ang Panginoong makapangyarihan sa lahat sa kanyang poot!

Ngunit ikaw, aking anak, na aking pinili para sa aking sarili at kung saan ay kinakausap ko sa espiritu, ibigin mo ako ng buong puso, ibigin mo ako hindi tulad ng pag ibig mo sa iyong anak na lalaki o babae o kamag anak. Ibigin mo ako ng higit sa ano pa man sa mundo! Nilikha kita at walang bahagi ng aking katawan ang di dumanas ng sakit sa pagdurusa ko para sayo. At sa kabila nito ay minamahal ko ng lubos ang iyong kaluluwa at, kung posible lamang ay ipauubaya ko na mapako muli ang aking sarili sa krus kaysa mawala ka sa akin. Pamarisan mo ang aking kababaang loob: Ako na hari ng gloria at ng mga Anghel, ay naramtan ng basahan at tumayong walang saplot sa tabi ng posteng bato habang ang aking tenga ay nakakarinig ng lahat ng uri ng insulto at paglibak. Ihalili mo ang aking kalooban sa iyong kalooban, sapagkat ang aking ina, ang iyong paraluman, mula sa umpisa hangang sa wakas, ay walang ninasang anuman kundi ang aking nasa. Kung gagawin mo ito, ang iyong puso ay mapasa sa aking puso, at ito ay mag aalab sa aking pag ibig tulad sa kahit anong bagay na tuyo na madaling nagninigas kapag nadikit sa apoy.

Ang iyong kaluluwa ay pupunuin ko at ako ay pasasa iyo, at lahat ng bagay na nagwawakas ay magiging mapait para sa iyo at ang lahat ng pagnanasa ng laman ay magiging parang lason . Magpapahinga ka sa aking mabathalang mga bisig, kung saan ay walang pagnanasang makalaman, pawang kaligayahan at kasiyahang espiritual. Doon ang kaluluwa, na parehong may kasiyahang panloob at kasiyahang panlabas, ay puno ng ligaya, walang ibang iniisip at walang ibang ninanasa kundi ang kaligayahang kanyang tinatamasa. Kaya’t ibigin mo’y ako lamang, at makakamtan mo ang lahat ng iyong hinihiling, at makakamtan mo ito ng labis-labis. Hindi ba nasusulat na ang langis ng isang balo ay di nasira hangang sa dumating ang araw na ang Panginoon ay magpadala ng ulan sa mundo ayon sa mga salita ng propeta? Ako ang tunay na propeta. Kung naniniwala ka sa aking mga salita at tinutupad mo iyon, ang langis at kaligayahan ay di masisira sa iyo magpakailan man.”